Dr. Benjamin Ganapin Jr.
Natuklasan ni Dr. Benjamin Ganapin Jr. ang kanyang hilig sa pagpipinta noong sya ay dumalo sa isang workshop sa kanilang simbahang kinabibilangan. Lumipas ang panahon at nang makapunta sya sa Saipan, USA bilang isang misyonaryong accountant ng isang paaralan, higit nyang nabigyan ng panahon ang pagpapalawig ng kanyang kaalaman at kakayahan hanggang magkaroon sya ng pagkakataon makasali sa taunang Flame Tree Festival noong 2006 kung saan itinatampok ang ibat ibang klase ng sining. Gamit ni Benjie ang ‘Mang Ben’ para lagdaan ang kanyang mga likhang sining. Sa 33 paintings na kanyang ipinakita, 29 doon ay nabili sa loob lamang ng tatlong araw. Ang perang kanyang nalikom ay ibinigay naman nya sa isang maliit na samahan dito sa Pilipinas. Iyon ay pasimula ng marami pang exhibitions. Nagkaroon din sya ng ilang painting sessions sa mga batang magaaral sa Saipan at Guam at nakatanggap din sya ng Federal Grant para turuan ng sining ang mga kabataan.
Kilala bilang Doc Benjie sa kanyang mga estudyante sa PSBA graduate school, si Dr. Benjamin Ganapin Jr. ay isang matagumpay na CPA at Consultant na nagmamay-ari ng BVG Accounting and Business Consultancy. Sa kabila ng pagiging metikuloso nya sa larangan ng pananalapi at negosyo, sya naman ay buong layang lumilikha ng ibat ibang estilo pagdating sa sining. Si Doc Benjie ay isang patunay na maaring magkasama ang kakayahan sa Numero at Sining.